Ebanghelyo: Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik. Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit niyang tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Reflect
“Ang poot ng Diyos.” Sa Bibliya ang tema ng matinding poot ng Diyos ay mahirap maipaliwanag. Ito’y nababanggit sa Luma at Bagong Tipan. Kasama rin sa tema ng pagsuway ng tao ay ang karampatang parusa. Pero ang galit ng Diyos ay hindi katulad sa galit ng tao, na naghahanap ng paghihiganti. Ang poot ng Diyos ay nagbubukal sa katotohanan at sa pag-ibig niya sa tao. Gumagawa pa rin ang Diyos ng daan para magbago ang mga sumusuway at lumalayo sa Kanya. Sa ebanghelyo, nakaramdam si Jesus ng lungkot at pagkagalit dahil sa katigasan ng ulo ng kanyang mga kababayan. Manhid sila sa tandang ginawa ni Jesus sa harap nila, at nanatili pa rin sila sa kamalian. Sila’y nagpaplano pa nga kung anong gagawin para mawala si Jesus sa kanilang paligid. May mga panahon sa buhay na pawang nararamdaman nating pinarurusahan tayo ng Diyos, o pinababayaan lang tayo. Hindi madali ang magbata sa mga sitwasyon na ito. Madali lang ang mangdamay sa iba, o ang pagbibintang na parang biktima lang tayo. Iwasan siguro natin ang mga ganitong reaksyon, o ang magalit sa Diyos. Sa halip, pagnilayan natin kung ano ang pwede nating baguhin sa ating sarili, at tanggapin ang lahat na may kababaang-loob at tiwala sa plano ng Diyos.
© Copyright Bible Diary 2025