Ebanghelyo: Lucas 2:41-52
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso. At umunlad si Jesus sa karunungan at edad at kagandahang-loob sa paningin ng Diyos at ng mga tao.
Pagninilay
Minsan tinanong ng katekista ang mga bata: “Kailan ang kaarawan ni Jesus?” Sumagot sila: “Sa December 25 po!” Nagtanong ulit ang katekista: “Kailan naman ang kaarawan ni Santo Niño? Nagkatinginan ang mga bata at walang umimik. Syempre, sa December 25 din ang kaarawan ni Santo Niño. Sa debosyon ng mga tao, minsan itinuturing siyang santo katulad ng mga santo ng Simbahan, pero si Santo Niño ay ang ating Panginoong Jesucristo. Nang sinimulan ang pagpapahayag ng ebanghelyo sa Pilipinas noon 500 taong nakalipas, nagsimula rin ang debosyon sa Banal na Sanggol. Ang kanyang larawan ay nagpapakita na hawak niya ang isang setro, na simbolo nang kapangyarihan; mga hari o prinsipe lamang ang may setro noon. Hawak din niya ang isang bola, ang mundo, at sa ibabaw ng bola’y may krus, dahil sa pamamagitan ng krus iniligtas niya ang sanlibutan. Suot niya ang korona at kapa, dahil Siya’y hari; siya’y “walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan”. Isang magandang katangian na nakikita natin kay Jesus nang bata pa siya ay ang kanyang
“pagiging masunurin” sa kanyang mga magulang. Ang kanyang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama ay unang nakita sa pagsunod niya sa magulang at sa mga awtoridad. Gayahin natin ang batang si Jesus at maging abala rin tayo sa bahay ng ating Ama. Maaaring itanong din natin sa ating sarili kung bakit natin siya hinahanap. Nawa, sa debosyon natin sa Santo Niño, sa ating Mahal na Ina, at sa iba pang mga santo, ay maging bukas tayo sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025