Ebanghelyo: Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga.
At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik.
Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit niyang tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito.
Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay
“Galit niyang tiningnan silang lahat,” Galit si Jesus? Isang imahe na hindi tayo sanay lalo pa’t ang mga nakikita nating iskultura ng ating Panginoon ay mayr oong maamong mukha. May mga naisusulat pa tungkol sa pagka maamo at banayad ni Jesus. Kaya nga naman ang isang galit na Jesus ay parang hindi kapani-paniwala sa atin. Kung tutuusin, simple lang naman ang pinapapili niya sa mga Pariseo, ang tumulong kahit sa araw ng Pahinga. Ngunit dahil sa kati-ga san ng kanilang mga puso, kaya nagalit siya.
Nakakalungkot isipin na kung anong dali niyang pinagaling ang kamay ng lalaki, tila bagang hindi niya matinag ang mga puso ng mga pariseo. Gayun din ang nakikita natin sa ating panahon. May mga taong parang hindi nakikita ang kahirapan ng kanilang kapwa at patuloy ang kanilang pagmamatigas para lang sa pansariling kapakanan. Hangga’t hindi natin tinatanggap si Jesus sa puso natin, hindi tayo magiging to-toong disipulo niya. Hangga’t hindi natin isinusuko sa kanya ang buhay natin, mananatili tayong talunan sa buhay. Mananatiling matigas ang ating puso para sa ating kapwa, para sa ating sarili at para na rin sa ating Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022