Ebanghelyo: Marcos 1:21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay
“Ikaw ang Banal na Diyos!” Inaasahan na matatagpuan lamang ang mga banal na tao sa mga sagradong lugar. Ang sinagoga at ang simbahan ay mga sagradong lugar, pero hindi lamang banal na tao ang matatagpuan dito. Sa ebanghelyo may maruming espiritu sa sinagoga na nagbibigay pa ng saksi tungkol kay Jesus: “Ikaw ang Banal na Diyos!” Ngunit, maruming espiritu pa rin siya. Noong 2023, naganap ang Pagpupulong Kontinental sa Sinodalidad. Ayon sa dokumento, isang matinding sakit ng Simbahan sa Asya ang pang-aabuso: maging sa pera, sa kapangyarihan, sa budhi, sa awtoridad, o usapang seksual. Nakakalungkot isipin na hindi porke taong simbahan, ibig sabihin ay taong banal. Ako, bilang manunulat ng pagninilay na ito, at ikaw, na taga-basa, ay mga taong nais madagdagan ang kaalaman tungkol sa Bibliya at maisaloob ang Mabuting Balita. Hindi sapat na malaman natin na si Jesus ang Mesiyas, o ulit-ulitin na ang Diyos ay pag-ibig. Gawain ito pati ng maduduming espiritu. Sa kawanggawa na may kababaangloob, sa pagtitimpi ng sarili, sa banal na pagkatakot, susuriin ng Diyos ang bawat isa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025