Ebanghelyo: Marcos 1:21-28
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum at nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay
Ang awtoridad ay lubhang hinahangad sa mundo upang magkaroon ng kapangyarihan at kontrol sa mga tao at sitwasyon. Karamihan sa mga pulitiko ay gumagamit ng kanilang awtoridad upang mapagbuti ang kanilang sarili at magamit ang kapangyarihan na maimpluwensyahan ang iba para sa kanilang pansariling interes. Ginagamit ng ilang magulang ang kanilang awtoridad sa kanilang mga anak upang sundin ang kanilang mga desisyon, na sa pangkalahatan ay para sa kabutihan mismo ng mga bata. Mayroong dalawang mga kahihinatnan sa paggamit ng awtoridad: ang mangibabaw o ang mapalaya. Ipinakita sa atin ni Jesus sa ebanghelyo ang tamang paggamit ng awtoridad. Pinalalaya niya ang mga tao mula sa kamangmangan sa katotohanan, mula sa pagkaalipin sa mga masasamang espiritu. Paano natin magagamit ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa atin? Ito ba ay upang mangibabaw sa iba o mapalaya sila sa kasinungalingan upang maunawaan nila ang katotohanan ng ating pananampalataya, nang sa gayon sila ay mabuhay bilang mga tunay na Kristiyano?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020