Ebanghelyo: Mateo 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo Siya pa-Galilea. Hindi Siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang Kanyang mensahe: “Magbagong-buhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo
Siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao. Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa Kanya.
Kaya dinala sa Kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling Niya silang lahat. Sinundan Siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.
Pagninilay
Madalas nating marinig ang mga tinatawag na “fake news” mga balitang nagliligaw sa atin mula sa tunay na mga isyu sa buhay. Minsan nabanggit
ng isa sa aking mga propesor na ang mga pahayagan ay halos hindi naglalathala nang mga gawain tungkol sa relihiyon at mga kuwento na maaaring magpalalim at magpapalakas ng ating pananampalataya. Ang ebanghelyo ngayon ay nagbibigay sa atin ng isang kongkretong halimbawa ng mabuting balita. Si Jesus ay naglibot upang hikayatin ang mga tao na hangarin ang kaharian ng langit. Siya mismo ang mabuting balita – nagmamalasakit siya sa espirituwal at pisikal na kagalingan ng mga tao. Hinahamon nito tayo upang maging isang mabuting balita din sa ating mga salita at gawa saan man tayo makarating at maging sinuman tayo. Dala ng ating mga pagkiling at mga limitasyon sa sarili ay hindi ito magiging madali, ngunit kung magtitiwala lamang tayo sa biyaya ng Diyos ay maaari
nating harapin ang buhay kasama na ang mga dalang hamon nito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020