Ebanghelyo: Mateo 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng Kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig Siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag Niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: Siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.” Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka Niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa Kaniya, bumalik kayo sa akin para makapunta r n ako sa Kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang Kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan Siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Pagninilay
Sino ang bagong sanggol na ito na hinahanap ng mga taong pantas mula sa Silangan? Bakit sila ay naglalakbay ng napakalayo upang sambahin lamang siya at mag-alok sa kanya ng mahahalagang handog? Saan siya nagmula at paano siya natanggap? Ipinakilala ni Mateo si Jesus bilang hari ng mga Judio, ang Mesiyas, anak ni David na ipinanganak sa Betlehem, ang katuparan ng Lumang Tipan. Kay Jesus, ang lahat ng kanilang pag-asa ay natupad. Si Jesus ay sinamba ng mga pantas sa Betlehem, ngunit tinanggihan ni Haring Herodes at ng lahat sa Jerusalem. Hinahamon tayo ng bagong taon na tanggapin si Jesus, na siya lamang makapagbibigay katuparan sa ating mga pag-asa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020