Ebanghelyo: Lc 2: 36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahangloob ng Diyos.
Pagninilay
Katulad ni Ana, gaano tayo kahanda na maghintay sa Panginoon. Sa kabila ng kanyang katandaan, hindi nawala sa kanya ang pag-asa na masisilayan sa buhay niya ang Mesiyas. Dahil fastpaced life na ang halos karamihang bagay sa mundo – fastfood, fastmoving vehicle, fast charger, quick relationship – lahat ay mabilis na, nababagot na tayong maghintay. Gusto natin madalian na ang lahat. Easy to get kung baga. Magandang pagnilayan natin ang naging buhay ni propeta Ana. Sa kanyang katandaan, hindi nawala ang pananalig na masisilayan niya ang Mesiyas. Si Ana’y nagtiyaga at nagbata. Nang kanya itong mamalas, siya’y nagpuri sa Diyos. Tayo rin nawa’y matutunang maghintay at magtiyaga sa mga itinataas natin sa Diyos. At kapag ipinagkaloob sa atin, magkaroon nawa tayo ng panahon na papurihan ang Diyos sa bawat pagkakataon na namamalas natin ang Kanyang kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2024