Ebanghelyo: Lucas 1:46-56
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Ang Magnificat ni Maria’y isang paanyaya sa lahat na pagnilay-nilayan natin ang mga kadakilaan ng Diyos sa ating buhay. Sa kasaysayan ng kaligtasan, masusulyapan natin ang sukdulang kagalakan kung saan ang pagdadalang tao ni Maria’y hindi lamang sa kanyang anak, kundi sa pangarap sa isang maluwalhating kinabukasan para sa buong sangkatauhan. Siya’y isang dalagang ina na naguumaapaw nang pasasalamat sapagkat pinili siyang maging daluyan ng biyaya ng Diyos sa mundo. Tayo rin ay may sariling Magnificat kung saan pinupuri’t pinasasalamatan natin ang Panginoon. Ang pinakasimpleng mga pangyayari sa buhay natin sa araw araw ay maaaring maging isang pagtatagpo sa Emmanuel, ang Diyos na nasa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020