Ebanghelyo: Lucas 1:39-45
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Pagninilay
Bakit bibisitahin ni Maria si Isabel? Maraming dahilan. Una, malapit sila sa isa’t isa. Pareho ang ngayari sa kanila. Si Elizabeth, na matanda at walang anak, ngayon ay buntis na. Si Maria na bata at dalaga ay nagdadalangtao na rin. Ang mga ito ay kahangahanga at magagandang bagay na nangyayari sa kanilang buhay. Ang pagkakaroon nila ng pagkakataon na marinig at ibahagi sa bawat isa kung paano gumalaw ang kagandahang- loob ng Diyos sa kanilang buhay. Pangalawa, dinala ni Maria ang Espiritu Santo at kanya itong ibinahagi kay Elizabeth. Si Maria ang modelo ng mga misyonero sapagkat kasama niya si Jesus at ang Espiritu Santo. Hindi ba ito rin ang misyon ng isang misyonero? Ang ibahagi at gawin ang mga gawain ni Jesus sa kapangyarihan ng Espiritu Santo upang matupad ang kalooban ng Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021