Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Sinabi ng anghel kay Maria, ‘Maglilihi ka at magkaanak ng isang lalaki.’ Hindi niya tinanong kung handa ba siyang maglihi at isilang ang isang anak na lalaki. Maliwanag na si Maria na taga-Nazareth ay ibinukod sa babaeng lahat upang magdalang tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo at naging ina ng Diyos. Bagamat nakaramdam siya ng takot, buong puso niyang tinanggap sa kanyang kalooban ang Panginoon. Tunay ngang walang imposible sa Diyos! Sa gitna ng ating mundong puno ng pagsubok at kahirapan, lagi nating tandaan na ang Panginoon ay ganap na namamahala sa lahat. Nawa’y magtiwala tayo sa kanya ng walang pag-aalinlangan tulad ni Maria.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020