Ebanghelyo: Mt 1: 18-25
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.“ Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.“ Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.
Pagninilay
Naganap nga kung ano ang ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta. Walang pangako ang Diyos na hindi natupad, kaya mahalagang panghawakan natin lagi ang Kanyang salita. Batid ito ni Maria at Jose. Sila ang huwaran nating lahat nang pagtitiwala at pananalig sa Diyos. Si Jose, sa kabila marahil nang kanyang mga pag-aalinlangan at pagkabahala ay tinanggap niya ang plano ng Diyos para sa kanyang buhay. Naging masunurin siya sa kalooban ng Diyos. Pinakinggan nga niya ang salita ng Diyos at pinanghawakan sa kanyang buhay. Nawa’y matularan din natin si San Jose sa kanyang pananampalataya at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Madalas, may malalaking katanungan tayo kung bakit nangyayari ang mga bagay sa buhay natin na hindi natin inaasahan. Nais nating magpaliwanag ang Diyos sa atin. Ang paanyaya sa atin, “buong puso kang magtiwala kay Yawe at huwag sumandal sa sariling bait. (Kasabihan 3:5)”
© Copyright Pang Araw-araw 2024