Ebanghelyo: Mateo 1:18-25
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.
Pagninilay
Tila hindi magiging matiwasay ang paraan ng pagsilang ni Jesus. Binalak ni Jose na hiwalayan si Maria nang malaman niya na siya ay nagdadalang-tao kahit bago pa sila nagsama. Ngunit ang Diyos ay gumawa ng paraan. Sa pamamagitan ng anghel, ipinaliwanag kay Jose kung bakit niya kailangang pakasalan si Maria. Sa ating buhay, marami tayong mga plano. Minsan naniniwala tayo na ang mga plano na ito ay nasa panahon. Sa halip na tanungin natin ang Panginoon kung ito ang kanyang kalooban, inuutusan pa natin siyang matupad ito dahil ito ang gusto natin. Si San Jose ang larawan ng taong laging sumusunod sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos niyang makinig sa Anghel ay iniiwan niya ang kanyang sariling plano at ang kalooban ng Diyos ang kanyang sinusunod.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021