Ebanghelyo: Mateo 1:1-17
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina. Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias. Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.
Pagninilay
Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesus. Para saan ito? Buti na lang at nakatayo ang mga tao kapag binabasa ang ebanghelyo, kasi kung sila ay nakaupo siguro’y may nakatulog na sa kanila sa haba ng ebanghelyo. Ngunit tulad ng ating pamilya, hindi ba magandang marinig at malaman ang tungkol sa ating lahi, lalo na kapag natuklasan natin na kamag-anak tayo ng mga sikat, kilala at respetadong tao? Kung interesado tayo sa ating sariling lahi, dapat nating dagdagan ang ating sigasig sa pakikinig sa talaan ni Jesus sapagkat siya ang ating Tagapagligtas, ang Diyos na nagkatawang-tao. Upang patunayan na siya ay isang tunay na tao, iniugnay ni Mateo ang kanyang angkan mula kay Abraham patungo kay Jose na asawa ni Maria, ang ina ni Jesus. Tandaan, makakarating lamang tayo sa ating paroroonan kung alam natin ang ating kinagisnan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021