Ebanghelyo: Lucas 7:18b-23
Tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon para sabihin sa kanya: “Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating ng mga taong iyon kay Jesus, sinabi nila: “Ipinasasabi sa iyo ni Juan Bautista: Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Nang mga sandali namang iyo’y marami siyang pinagaling sa mga sakit, mga karamdaman at masasamang espiritu, at binigyan niya ng paningin ang mga bulag. Kaya sumagot siya sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong nakita at narinig: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga ketongin at nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay, may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At napakapalad niyang hindi natitisod dahil sa akin.”
Pagninilay
Sa panahong iyon ay nabilanggo na si Juan Bautista (Mateo 11:2). Alam natin na ginawa niya ang lahat upang ihanda ang daan para sa Panginoon. Ngunit marahil dahil sa kanyang pagkabilanggo, siya ay nagkaroon ng paghihinala. Nagkakilala na sila ni Jesus sapagkat siya mismo ang nagbinyag sa kaniya (Mateo 3:1316). Upang maalis ang kanyang mga hinala, tinanong niya si Jesus kung siya na nga ba o may ibang pa siyang inaasahan. Binigkas ni Jesus ang nakasulat sa aklat ni propeta Isaias 35:5, 61:1, na Siya ang katuparan ng nakasulat roon. Sa mga panahon ng pagsubok, kahirapan, sakuna, o trahedya, minsan ay nagkakaroon din tayo ng pagduda sa pag- ibig ng Diyos. Ang ganitong pagkakataon ay magandang oportunidad upang mas kumapit tayo sa kanyang mapagpalang kamay at palaliman pa natin ang pananampalataya natin sa walang kupas na pag- ibig ng Diyos. Siya na nagpadala sa kanyang bugtong na Anak, si Jesus, upang magsilbi nating tanglaw sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021