Ebanghelyo: Mateo 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.” At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.
Pagninilay
Nakamamangha ang pamamaraan ng Panginoon. Ang talinhagang ito’y nagpapatunay na ang pangako’y maaaring magbago at hindi maisakatuparan. Sa kabilang dako, ang tumanggi sa umpisa’y nagbago sa bandang huli at tumupad sa ipinag-uutos sa kanya. Maging sa tunay na buhay, madalas ito rin ang nangyayari at ang mga pangakong binigkas ay nawawalan ng halaga kapag hindi ito nanggagaling sa ating kalooban. Mas kahanga hanga pa ang taong may takot man sa umpisa na mangako sa Diyos at sa kapwa ngunit sa sandaling nagbagong buhay sila’y may mas malalim pang pagsunod sa utos ng Diyos kahit ano pa man ang kanilang nakaraan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020