Ebanghelyo: Mt 11: 28-30
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
Taong 1987 nang sumikat ang isang pelikulang pinagbidahan ni Megastar Sharon Cuneta, ang Pasan Ko ang Daigdig. Ito’y tungkol kay Lupe, isang babae na humaharap sa matinding hamon at pagtitiis sa buhay. Nagmarka ang pelikula sapagkat buhat-buhat ni Lupe ang kanyang baldadong ina habang sila’y namamalimos. Nakaranas ka na rin ba ng matinding pagkapagod at tila pasan mo ang daigdig? Minsan ba naisip mo nang sumuko? Sa ebanghelyo, inaanyayahan tayo ng Diyos na lumapit sa Kanya at tayo’y Kanyang pagiginhawain. Madalas sa ibang bagay tayo lumalapit kapag nakakaranas tayo ng mga pagsubok, gaya ng mga bisyo, maling kaibigan, illegal na libangan, nagnagdadala naman sa atin sa kapahamakan. Imbes na makabuti sa atin at matulungan tayong gumihawa, nagdudulot pa ito sa atin ng pagkapagod at pasakit. Ang tunay na ginhawa ay matatgpuan lamang natin sa Diyos.
© Copyright Pandesal 2024