Ebanghelyo: Mateo 11:16-19
“Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’
Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, mapatutunayang tama ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
Pagninilay
Tanggapin man natin o hindi,nais natin na tayo ay sinusunod ng iba. Sa sandali na mailagay sa pwesto, kaagad-agad ay nag-uutos. Pero baka hindi natin alam, tayo mismo ay tagasunod lang din. Dalawa lang naman ang direksyon sa buhay. Patungo sa mabuti o patungo sa masama. Walang gitna. Ang patungo sa mabuti ay sumusunod sa Diyos. Ang patungo sa masama ay sumusunod sa Demonyo. Ang sumusunod sa Diyos ay nagbubunga ng pagibig, paglilingkod, kapayapaan at kaligayahan. Ang sumusund sa Demonyo ay nagbubunga ng pagkapoot, panlalamang sa kapwa, kaguluhan at kapighatian. Ang paraan ng Diyos ay katotohanan na nagbubunga ng liwanag. Ang paraan ng Demonyo ay panlilinlang na nagbubunga ng pagkalito at sa huli ay pagsisisi: “Akala ko mabuti, masama pala!” Ang pagsunod sa Diyos ay nagbubunga ng pagkakaisa at pagtutulungan. Ito ang nais nating mangyari sa mga sumasampalataya kay Jesus. Ang pagsunod sa Demonyo ay nagbubunga ng pagkakawatak- watak, pagkamakasarili at pagkawasak ng samahan ng grupo. Ang dulo ng pagsunod sa Diyos ay langit. Ang dulo ng pagsunod sa Demonyo ay impiyerno. Saan kaya ako patutungo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022