Ebanghelyo: Lc 3: 1-6
Ito ang nangyari sa ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Gobernador noon ng Judea si Poncio Pilato at mga tetrarka si Herodes sa Galilea, si Felipe na kapatid nito sa Iturea at Traconitide, at si Lisanias sa Abilene; sina Anas at Caifas naman ang mga Punong-pari nang panahong iyon. At noon dumating kay Juan na anak ni Zacarias ang salita ng Diyos sa disyerto. Ipinahayag ni Juan ang binyag na may kasamang pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at nilibot niya ang buong rehiyon sa tabi ng Ilog Jordan. Nasusulat nga sa aklat ng pahayag ni Propeta Isaias: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas. Patataasin ang bawat lambak at pabababain ang bawat bundok at burol. Papatagin ang mga batong kinatitisuran at papantayin ang lupang lubaklubak. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.“
Pagninilay
Sa ebanghelyo ipinahayag ni Juan ang binyag na may kasamang pagsisisi na humahantong sa pagpapalaya mula sa mga kasalanan. Kaya naman maliwanag ang kanyang imbitasyon para sa ating lahat na ihanda ang daraanan ng Panginoon. Ang daraanang ito ay patungo sa ating mga puso kung saan nais manahan ni Jesus. Isang malinis at dalisay na puso ang kailangan nating ihanda. Sa paanong paraan natin maaaring ihanda ang ating puso, lalo na ngayong panahon ng adbiyento? Nandiyan ang Sakramento ng Kumpisal, kung saan inaanyayahan tayong ihingi ng tawad ang lahat ng ating mga kasalanan sa Diyos, kapwa at maging sa ating sarili. Sa pamamagitan nito napagpapanibagong muli ang relasyon natin sa Diyos. Sabi nga sa isang awit, “change my heart Oh, God, make it ever true. Change my heart Oh God, may I be like you.” Lahat tayo’y nagkakamali, walang perpektong tao sa mundo. Lahat din tayo’y binibigyan ng panahon at pagkakataon na ituwid ang ating mga pagkakamali. Hindi lang second chance ang madalas ibinibigay ng Panginoon sa atin. Kaya naman, ipanalangin natin na sa pagpapatuloy natin sa Panginoon sa ating mga puso, pagkalooban Niya tayo ng lakas ng loob at biyaya ng tunay na pagbabago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024