Ebanghelyo: Mt 9: 35 — 10: 1, 5a, 6-8
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.“ Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.
Pagninilay
Madalas gamitin kapag may mga vocation campaign o kaya’y may mga imbitasyon na lumahok sa iba’t-ibang orgnisasyon o samahan sa simbahan ang sipi na ito sa Bibliya, “marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Bilang mga Kristiyano tinatawag tayong lahat para sa paglilingkod sa Diyos at kapwa. Bagamat iba-iba ang pagpapahayag at paraan natin ng pagsunod, lahat naman ito ay nakatuon para sa kaluwalhatian ng Diyos. May mga lalaki at babae na pinipiling maglingkod sa pamamagitan ng pagtatalaga nila ng kanilang sarili bilang mga pari at relihiyoso. Ang ilan naman ay nag-aasawa at nagtataguyod ng isang masaya at huwarang pamilya. Pinupuno ng pagibig ang tahanang kanilang binubuo. May ilan naman na nanatiling single for life, pero forever happy with the Lord. Natagpuan nila ang kanilang bokasyon hindi sa pag-aasawa o kaya’y sa pagpasok sa seminaryo o sa kumbento. Ang imbitasyon ni Jesus ay hanapin ang mga nawawalang tupa at ipahayag na palapit na ang kaharian ng Langit. Sa paanong paraan mo nais na tumugon sa imbitasyon ni Jesus?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024