Ebanghelyo: Lucas 21:29-33
At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang pu nong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang pag hahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.
Pagninilay
Mula sa Salita ay naganap ang lahat. Ang Salita’y nagkatawang-tao kay Kristong nagtagumpay sa kamatayan sa kanyang kapuri-puring Muling Pagkabuhay. Ang Salita’y mananatili kahit magwakas ang langit at mundo. Sa panahong maraming paghihirap at mga nakakabagabag na pangyayari sa mundo, minsa’y nanghihina tayo at nawawalan nang pagasa. Sa pakikinig, pagtanggap, at pananampalataya sa Salita ni Kristo, tayo ay nabibigyan ng inspirasyon at pag-asa. Ito rin ay nagdudulot ng liwanang at gabay sa ating patuloy na paglalakbay sa mundo habang humaharap sa mga pagsubok ng buhay. Nilikha tayo mula sa salita. Iniligtas tayo sa Salitang nagpakatao. Siya mismo ang magdadala sa atin tungo sa buhay na walang hanggan sa Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023