Ebanghelyo: Lc 21: 25-28, 34-36
Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.“ Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.“
Pagninilay
Ngayon ang Unang Linggo ng Adbiyento. Sa salitang latin ay adventus, na nagangahulugan ng pagdating. Ito ang simula ng paghahanda natin para salubungin o ipagdiwang ang Araw ng Pasko o kapanganakan ni Jesus, ang ating Tagapagligtas. Maituturing din ito na simula ng Bagong Taon o Liturhikal na Taon para sa Simbahang Katoliko. Sa ebanghelyo, ipinaghahanda ang mga tao para sa isang kagilagilalas na pagdating ng Anak ng Tao na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Ang mga tandang darating at ipapahayag ay hindi dapat katakutan, manapa’y ipagpasalamat sapagkat nangangahulugan ito ng ating katubusan. Sa nalalapit na pagsilang ni Jesus, mahalagang maihanda rin natin ang ating mga sarili at bigyan Siya ng puwang sa ating mga puso. Sa halip na balutin natin ng takot ang ating puso, punuin natin ito ng ligaya na nagmumula kay Jesus.
© Copyright Pang Araw – araw 2024