Ebanghelyo: Mateo 2:13-15, 19-23
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang Kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Pagkamatay ni Herodes, napakita sa panaginip ang Anghel ng Panginoon kay Jose at sinabi: “Bumangon ka’t dalhin ang bata at ang Kanyang ina at umuwi sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga nagtangkang pumatay sa bata.” Kaya bumangon si Jose, kinuha ang bata at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel. Ngunit nang malaman ni Jose na si Arkelao ang hari ng Judea, na kahalili ng Kanyang amang si Herodes, natakot siyang pumaroon. Kaya ayon sa ibinilin sa Kanya sa panaginip, sa Galilea Siya nagpunta. Nanirahan sila sa bayang tinatawag na Nazaret. Kaya natupad ang salita ng mga propeta: “Tatawagin siyang Nazoreo.”Pagninilay
Sa simula pa ma’y halos wala ng katapusan ang ginagawang paglalakbay nina Jose at Maria. Maging sa pagsilang ni Jesus ay wala pa ring kasiguruhan ang kanilang pananatili sa isang lugar na matatawag na tahanan. Halos hindi nalalayo ang karanasan ng mag-anak na de la Cruz na ilang buwan nang naninirahan sa evacuation center sa Sitio Hampig. Mababa ang kinaroroonan ng lugar na iyon kung kaya’t noong gabing iyon na humagupit ang malakas na hangin at bagyo, nagmistulang lawa ang paligid at halos masira ang mga tolda. Matapos ang bagyo, sa pakikipagwentuhan sa mag-asawa, pagpapasalamat pa rin ang namutawi sa kanilang bibig sa halip na takot na una nilang naramdaman sa nakalipas na gabi. Hindi man raw sila makabalik sa kanilang naiwang bahay, mahalaga’y magkakasama ang mag-anak sa anumang pagsubok. Iyon ang kanilang tahanan. Hindi ba’t gayun din ang karanasan ng Banal na Mag-anak?© Copyright Pang Araw-Araw 2019