Ebanghelyo: Mateo 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang Kanyang ina at tumakas paEhipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan Siya ng mga pantas. Kaya ini-utos Niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang Kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”Pagninilay
Kasakiman sa kapangyarihan ang nagbunsod kay Herodes upang ipapatay ang mga batang sanggol sa takot Niyang ang sumilang na sanggol ang siyang haring mas makapangyarihan sa Kanya. Pagiging gahaman at labis na pagnanais ng kayamanan ang madalas na dahilan ng pang-aabuso. Ilang bata na ang patuloy na nabubuhay sa takot at pangamba sa gitna ng mga hidwaan at digmaan ng mga bansa. Ilang bata ang pinagkaitan ng pagkabata sanhi ng maagang paghahanap-buhay? Ilang bata ang hindi nakakapag-aral dala ng kahirapan? Patuloy pa rin ang mga makabagong Herodes na siyang unti-unting kumikitil ng buhay ng mga inosente. Tandaang ang mga batang nagdurusa ay larawan din ng Munting Batang isinilang sa sabsaban. Pababayaan ba natin sila?© Copyright Pang Araw-Araw 2019