Ebanghelyo: Mateo 3:1-12
Nang panahon ding iyon, dumating sa disyerto ng Judea si Juan Bautista at nagsimulang magpahayag: “Magbagongbuhay kayo, lumapit na ang paghahari ng Langit!” Siya ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin Niyang: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang Kanyang landas.” Balahibo ng kamelyo ang suot ni Juan; at may sinturong katad sa baywang, at balang at pulot-pukyutang-gubat ang kinakain. May mga taga-Jerusalem, taga-Judea at mula sa buong rehiyon ng Jordan na pumunta sa Kanya. Inaamin nila ang kanilang mga kasalanan at binibinyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan. Nang makita Niya na lumalapit sa Kanya ang ilang Pariseo at Sadduseo para magpabinyag, sinabi Niya: “Lahi ng mga ulupong! Sino ang nagsabi sa inyong matatakasan ninyo ang darating na paghatol? Patunayan ninyo ang inyong pagbabagongbuhay, at huwag ipagyabang na ‘si Abraham ang ama namin.’ Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito’y makagagawa ng mga anak ang Diyos para kay Abraham! Nakaamba na ang palakol sa tabi ng ugat ng mga puno – para sibakin ang alinmang punong hindi namumunga ng mabuti, at itatapon ito sa apoy. Sa tubig ko kayo binibinyagan para sa pagbabagong-buhay pero kasunod kong darating ang isang makapangyarihan pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat magdala sa Kanyang sandalyas. Bibinyagan Niya kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya ang nakahandang magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Lipunin Niya ang lahat ng butil sa Kanyang kamalig ngunit susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.”Pagninilay
Isa sa mga nasira ng lindol na kailangang iwan ng mga taga Sitio Maglahug nang lumikas sila sa evacuation center ay ang kanilang kapilya. At sa kanilang pakiwari ay aabutan pa sila ng Pasko, o ng susunod pang isang Pasko. Kanilang nawari na pwede rin namang ilikas kahit ang kanilang bahay-dalanginan. Isang araw ng buwan ng Oktubre, inumpisahan nilang magbayanihan. Tulong-tulong ang komunidad sa muling pagtatayo ng kapilya, kahit pa nga pansamantala lamang. Ito marahil, para sa kanila, ang napapanahong “paghahanda sa daraanan ng Panginoon.” At para sa komunidad, mahalagang bahagi sa pagtugon sa tawag ng “Magbagong buhay kayo!” ay ang sama-samang pagsamba at pagpupuri sa Kanya doon sa kapilya sa gitna ng mga tolda. Tunay ngang “lumapit na ang paghahari ng Langit!”© Copyright Pang Araw-Araw 2019