Ebanghelyo: Mateo 25:1-13
Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’
Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’
Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.
Pagninilay
Noong panahon ng pandemya dulot ng covid-19, arawaraw nating nabalitaan na mayroong mga namamatay. Ang nakakalungkot, hindi man lang sila nakausap at nasilayan dahil diretso cremation na. Bagamat may covid o wala, may namamatay. Isa itong katotohanan na kailangan nating paghandaan. Ang tanong, handa ka na ba? Hindi naman nagkulang si Jesus sa pagpapaalala ng mga dapat nating gawin. Sa Ebanghelyo, sinabi Niya na: “Magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang
oras.”
Sa talinghaga ng sampung dalaga, ang lima ay matalino at ang lima ay hangal. Ang matalino ay may dalang langis at may “extra” pa habang ang limang hangal ay hindi nagdala ng langis.
Ang “langis” ay tumutukoy sa mga mabubuting gawa na dapat nating iniipon at pinaghahandaan. Ang kabutihan na ginawa ng limang matalino ay hindi maaaring ipasa sa iba. Ito ay dapat na responsibilidad ng bawat isa. Pwede tayong tulungan ng iba para makagawa at makapagipon ng “langis”, pero hindi ito pwedeng itulad na parang “points” na na maaaring bilhin at ipasa. Kaya habang may panahon pa, simulan na nating tingnan kung may naiipon na ba tayong mga mabubuting gawa. Iyong hindi lang sakto kundi may sobra-sobra pang kabutihan para tayo ay makapasok sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022