Ebanghelyo: Mateo 23:27-32
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinapu ting libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang ka looban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumangayon na patayin ang mga propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!
Pagninilay
Wika ni Edmund Burke, isang Irish statesman, “Yung hindi natuto sa nakaraan, babalik muli roon.” Ang mga ninuno ng mga pariseo ang tumalikod sa mga propeta at nagbalak na patayin sila. Ang mga pariseo at tagapagturo nang batas ay nagaral tungkol sa mga propeta at mga batas ngunit hindi sila natuto. Ang kanilang mga gawa ay tulad lang din sa kanilang mga ninuno. Mahusay sa panlabas pero walang pagbabago sa kanilang mga puso. Nananatili sila sa lumang pamamaraan na nagdudulot ng pagkukunwari. Ito ang dahilan ng kalungkutan at kabiguan ni Jesus. Ang kanilang mga ritwal ay hindi nagdudulot ng tunay na pagbabago sa kanilang mga nakasanayan at paguugali. Ganito rin ang dapat bantayan ng mga nananalig kay Jesus. Ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagdadasal at pagsisimba ay magdulot nawa nang pagbabago sa buhay upang ito’y hindi manatiling panlabas lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023