Ebanghelyo: Marcos 6:17-29
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay
Ang hinanakit at yabang ay pumapatay ng tao! Ngayong araw, ang Simbahan ay nagdiriwang sa pagkamartir ni Juan Bautista na pinugutan ng ulo sa utos ni Herodes. Kahit masakit sa dibdib ni Herodes, malaki ang kanyang respeto kay Juan. Gayunpaman, hindi niya nais mapahiya kung hindi niya susundin ang kanyang pangako sa anak ni Herodias na nasa harapan ng kanyang mga bisita. Dahil sa hinanakit ni Herodias at yabang ni Herodes, pinatay ang propeta. Ganito rin ang nangyari sa iba pang mga propeta at martir na pinatay dahil sa kanilang pagpapatunay sa mga kamalian at katiwalian. Sa mga panahon na nakakaramdam tayo nang galit, pagnilayan natin kung saan kaya ito nagmumula. Galing ba ito sa pagpapatunay sa katotohanan o sa hinanakit at yabang?
© Copyright Pang Araw-Araw 2023