Ebanghelyo: Mateo 25:1-13
Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa.
Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’
Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’
Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’
Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.’
Pagninilay
Sa kadiliman lamang natin nabibigyang halaga ang liwanag. Kapag may liwanag mula sa araw, kadalasan ay hindi natin nabibigyang pansin ang liwanag mula sa lampara. Naaalala lamang natin na kailangan natin ito kapag dumilim na. Ganoon din ang karanasan ng limang dalaga sa Ebanghelyo. Sa ating buhay, tayo ay pinagkalooban ng Panginoon ng sarili nating ilaw na magagamit natin sa kadiliman – sa mga pagsubok at hindi kanais-nais na karanasan ng ating buhay. Ang ating buhay pananampalataya ay ang magsisilbing langis sa ating mga lampara. Responsbilidad natin na patu-patuloy itong punan at panatilihin ang pagningas sa panahon ng kadiliman. Minsan ay masyado tayong naaaliw sa panahon ng liwanag na wala na tayong lakas para suungin ang dilim. Minsan ay iniaasa natin ito sa ibang tao, kagaya ng limang dalaga na humihingi ng langis sa limang matatalinong dalaga. Minsan iniaasa natin ang pananampalataya sa mga naglilingkod sa Simbahan, at sa mga relihiyoso. Subalit may pagkakataon sa ating buhay na tayo ay responsable sa ating sariling paglalakbay. Panatilihin ang pag-aalab ng apoy ng pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021