Ebanghelyo: Mateo 25:1-13
Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.
Pagninilay
Mahigit sa dalawangpung taon ang lumipas nang italaga naming mga sampung novices ang aming mga sarili sa pagsambit ng aming unang religious vows. Sampu kaming nagdala ng lampara at nais sumalubong sa Panginoon. Pagkalipas ng panahon, isa-isa, lima sa kasamahan namin ang lumabas. Naubusan kaya sila ng langis sa kanilang lampara? Lima kaming pari ngayon ang naghihintay pa rin. Hindi ko sinasabi na kaming lima ang matatalino at sila ang mga hangal. Baka baliktad! Pero bakit kaya may langis pa sa aming mga lampara? Pare-parehas kami noon sa kahilingan maging banal at makapaglingkod ng buong puso sa Diyos at sa kapwa. Isang regalo ng Diyos ang ating bokasyon na kailangan pag-ingatan sa pamamagitan ng dasal, ng mga sakramento, at pakikipag-ugnayan sa komunidad. Sulat ni Papa Juan XXIII noong bago pa siya mamatay: “Sa katapusan ng aking buhay ito lang ang natira sa akin: ‘karanasan ng aking kahinaan at karanasan ng habag ng Diyos’.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2020