Ebanghelyo: Mateo 23:23-26
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu, ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo.
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
Pagninilay
Di ko lang talaga alam kung bakit maraming tao ang kulang sa pansin. Kaya naman lahat ay gagawin para lang magpapansin. Ito naman ang ginagawang kabuhayan ng iba, ang gumawa ng kung anoanong
bagay para lang mapansin. Kaya nga binibigyan natin nang higit na importansya ang magpaganda o magpagwapo dahil marami ang mapanghusga sa itsura. Hindi ko rin batid kung bakit marami sa atin ang hindi nagiging masaya hangga’t hindi nakukuha ang atensyon at palakpak ng kapwa.
Tayo ay pinaaalalahanan ni Jesus na higit na mahalaga ang panloob
kaysa sa panlabas. Sa kagustuhan nating maging maganda sa paningin ng iba, nakakaligtaan natin bigyan ng pansin ang ating mga pag-uugali. Gumaganda tayo sa panlabas ngunit pumapangit naman ang ating mga ugali. Kaya nga, maraming relasyon ang napakabilis masira dahil lahat ay puro panlabas lang nagsimula.
Hindi masama ang mga bagay na gusto nating ilagay sa ating mga katawan, pero bantayan nating mabuti kung napapabuti ba nito maging ang ating pag-uugali. Kahit anong ganda nang damit nang isang tao kapag magaspang ang ugali, mas pumapangit ito sa paningin ng tao. Pero, kapag ang isang tao ay may mabuting pag-uugali, gumaganda ito at naiibigan ng mga
tao na makasama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022