Ebanghelyo: Mateo 23:13-22
Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok.
Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga
mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong taga-paniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo.
Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.’ Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar.
Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, kaharap ni Jesus ang mga guro ng batas at ang mga pariseo. Deretsahan Niyang sinabi sa kanila ang mga mali nilang ginagawa sa pagpapatupad ng mga batas na dapat sundin at dapat gawin ng mga tao bilang isang Judio. Dismayado si Jesus sa pagsasabuhay nila nang kanilang mga tungkulin. Nagiging palabas at pagkukunwari lamang. Imbes na mapalapit ang mga tao sa Diyos ay lalo silang napapalayo.
Magandang paalala ito ngayon, lalo na sa aming mga pari. Nakakatulong
ba kami sa mga tao na mas mapalapit sila sa Diyos dahil sa kanilang naririnig at nakikita sa aming pamumuhay? Malinaw pa ba sa amin bilang mga pari, na ang pinakamisyon namin ay ang ipakilala ang Diyos sa mga tao at mailapit sila ng tuluyan sa Diyos? Ang amin bang mga ginagawa ay tunay na paglilingkod pa o nagiging trabaho na lang? Nawa’y patuloy na gabayan ni Jesus ang mga pari na magawa namin ang aming misyon nang naayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022