Ebanghelyo: Mt 19: 3-12
At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pagaasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagninilay
Ang pagbasa mula sa Aklat ni Ezekiel ay sadyang nakakalungkot. Galing sa wala, ang bayang hinirang ay binigyan ng tapat na pagpapahalaga at pagaalaga ng Diyos. Pinalaki, binalabalan, at nakipagtipan ang Diyos sa Israel. Pinaliguan, nilinisan, pinahiran ng langis, sinuotan ng damit, dinamitan ng mamahaling tela, pinalamutian ng alahas, pulseras, kwintas, singsing, hikaw, at pinutungan ng korona ang bayang hinirang ng Diyos, na parang isang nobyong labis na pagmamahal ang ibinigay sa nobya. Bukod pa rito, pinakain pa ang nobya ng pulot-pukyutan at olibong langis. Gayun pa man, nagawa pang magtaksil ang bayang hinirang ng Diyos. Kung totoong taong lalaki, malamang sukdulan na ang galit sa nobyang naghanap pa ng iba. Malamang baka mauwi pa ito sa isang “krimen ng pagsinta” (crime of passion). Kakaiba magmahal ang Diyos. Ipinarating pa niya sa bayang hinirang sa pamamagitan ni propeta Ezekiel na Siya ay handang magpatawad at gagawa pa ng walanghanggang Tipan para sa minamahal Niyang bayan.
© Copyright Bible Diary 2024