Ebanghelyo: Mateo 19:23-30
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit.”
Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible.”
Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?”
Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.
Pagninilay
Hindi galit si Jesus sa mayayaman, sa katunayan, marami Siyang mga alagad na mayayaman. Tumutulong sila sa mga pangangailangan nila. Kung ating babalikan, isang lalaking mayaman ang nagtanong kay Jesus kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sinusunod naman niya ang mga utos ng Diyos. Nang sabihin ni Jesus na mayroon pa siyang hindi pa ginagawa at iyon ay ang ipagbili ang kanyang mga ariarian at ipamigay sa mahihirap, dun na siya umalis nang malungkot dahil sa siya’y napakayaman. Ito ang kahulugan ng sinasabi ni Jesus na mahirap para sa isang mayamang makapasok ng langit dahil sa maraming “attachments”. Hindi tayo pinipilit ni Jesus na sumunod sa Kanya. Pero kung magdedesisyon tayong sumunod, dapat handa na tayong mag “detach” sa mga bagay na makamundo. Ang Diyos ay ang Siyang nagbibigay ng mga biyaya sa atin. Pero hindi ito dapat maging hadlang upang maagaw nito ang ating atensiyon na dapat ay para sa Diyos lamang. Hindi tayo pagdadamutan ng Diyos, bagkus ay payayamanin pa Niya tayo sa ating pagiging tapat sa Kanya. Kaya hindi tayo dapat matakot mawala ang mga ito. Ang mga kayamanang ibinibigay niya ay upang makatulong sa ating maging mabuting tao at matutong makipag-kapwa tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022