Ebanghelyo: Mateo 19:13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
Pagninilay
Walang nasasaad sa Bibliya na si Jesus ay ngumiti o tumawa ng malakas ngunit gaya nating mga tao, hindi ba’t aliw na aliw tayo kapag kapi-kapiling natin ang mga bibong bata? Ganoon din marahil ang karanasan ng ating Panginoong Jesucristo. Bukod dito ay ipinapakita ni Jesus sa ebanghelyo ang pagkiling Niya sa mga mabababa ang loob at sa mga taong mababa ang tayo sa lipunan. Sa kanilang konteksto, ang mga babae kasama ang mga bata ay kabilang lamang sa pangalawang antas ng lipunan. Sa ating komunidad, nabibigyan ba natin ng boses ang mga kababaihan at kabataan? Ang pagiging tagasunod ni Jesus ay hindi lamang nalilimita sa ilan at kahit sino pa man, maging ano pa ang kanyang estado sa lipunan, ay inaanyayahan ding makibahagi sa paghahari ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021