Ebanghelyo: Mateo 18:21 – 19:1
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.
Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayadutang.
At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.
Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.”
Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
Pagninilay
I lang beses ba ako magpapatawad? Sa pag-aakala ni Pedro sapat na ang pitong beses. Sa kanyang pananaw ay may hangganan ang pagpapatawad. Ito rin marahil ang nararamdaman ng mga taong paulit-ulit na nasasaktan. Ang paanyaya ni Jesus ay huwag tayong magsawang magpatawad. Huwag tayong magbilangan kung nakailang kasalanan na ba ang isang tao at kung nakailang pagpapatawad na ba tayo. Wala namang “quota” pagdating sa pagpapatawad. Madaling sabihin na “magpatawad” ka sa isang tao dahil hindi ikaw ang nasaktan. Kaya’t nagbigay si Jesus ng isang pagpapaliwanag upang mas maging madali para sa atin ang magpatawad.
Tayo man ay nagkakasala sa Diyos. Di na natin mabilang. Pero sa isang lambing lang natin sa Kanya at sambitin lang natin ang paghingi ng tawad, agad Niya tayong pinatatawad. Hindi naman kasi nagtatanim ng galit ang Diyos sa atin. Para sa Diyos, anumang kasalanang nagawa natin na inihingi ng tawad, kakalimutan na Niya ito. Alam ng Diyos na makakagawa pa tayo ng pagkakamali, pero bibigyan pa rin Niya tayo ng pagkakataon na itama ito. Tao tayo na may mga kahinaan. Kailangan ng panahon bago matuto. Hingin natin sa Diyos ang grasya upang patuloy tayong makapagpatawad
sa kapwa natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022