Ebanghelyo: Mateo 17:14-20
Pagdating nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan si Jesus ng mga alagad, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat kaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”
Pagninilay
Kaunti lang ang natutunan ko sa mga guro na masyadong maluwag o hindi naging mahigpit nang nag-aaral pa ako. Samantalang marami naman ang natutunan ko sa mga guro na naging mahigpit at halatang mahal nila ang kanilang propesyon. Inspirasyon ko rin sila para ipagpatuloy ang aking pag-aaral at maging mahusay sa kanilang asignatura. ‘’Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! ang sinabi ni Jesus. Hindi rin kaya mahigpit ang gurong ito? Kilala niya ang mga alagad niya at alam niya na marami pa silang matutunan at kayang ibahagi. Siguradong hindi nila malilimutan ang leksyong ito. Nawa sa ‘’pagtatapos’’ ng ating buhay, ‘di ‘’pasang awa’’ lang, kundi ‘’Magna cum Laude’’ ang ating marka pagpasok sa kaharian. Anong leksyon ang nais mo pang matutunan?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020