Ebanghelyo: Mateo 16:24-28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito? “Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
Pagninilay
Mareklamo. Mareklamo ang taong ‘di pa natutong magpasan ng sariling krus. Sinisisi niya ang ibang tao kung siya’y nahihirapan. Dinidiin niya ang mga kamalian ng iba. Binabalikan niya ang kasalanang ginawa sa kanya. Tandaan po natin na niyakap ni Jesus ang kanyang marupok na krus, at mula diyan pinagdasal niya ang mga may sala sa kanya: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Parang isang mabangong bulaklak ang pasensiya sa taong tunay na sumusunod kay Jesus. Hindi naman halata sa una ang kanyang kababaan-loob o ang kanyang karunungan. Alam ng tunay na alagad na ang kanyang gantimpala ay hindi galing sa kapwa tao kundi sa Diyos. Makikita niya ang Anak ng Tao sa kanyang kaluwalhatian. Ikaw, niyayakap mo ba ang iyong krus o lagi kang nagrereklamo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020