Ebanghelyo: Mateo 17:1-9
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipagusap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.”
Pagninilay
Ipinakita ni Jesus ang kanyang kaluwalhatian kina Pedro, Jaime at Juan para malaman nila kung sino siya talaga: ang anak ng Diyos, ang manunubos, ang talagang dapat pakinggan. Darating ang oras kung kailan tatakas ang marami ng mga tagasunod Niya, dahil sasabihin nila: “sayang ang aming panahon, akala namin na siya ang magiging hari sa Israel, pero hindi pala!’’ Mawawala ang pananalig nila kay Jesus sa oras ng kanyang kamatayan. Ang pagiging saksi ng pagbabagong-anyo ni Jesus ay magbibigay katiyakan sa pananalig nina Pedro, Jaime at Juan sa oras ng kapighatian at pag-aalinlangan. Pagnilayan natin at lagi nating alalahanin ang panahon kung kailan naging saksi tayo ng kapangyarihan ni Jesus, at sa gayon, magiging matatag ang ating kalooban dahil sa katiyakan ng ating pananalig sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020