Ebanghelyo: Mateo 15:1-2, 10-14
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang ilang Pariseo at mga guro ng Batas na galing pa sa Jerusalem. At sinabi nila sa kanya: “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan at unawain. Hindi ang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao kundi ang lumalabas sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao.” Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi: “Alam mo bang naiskandalo ang mga Pariseo sa sinabi mo?” Sumagot si Jesus: “Ang bawat tanim lamang na hindi itinanim ng aking Amang nasa Langit ang bububunutin. Huwag ninyo silang pansinin! Mga bulag na gabay sila. Kapag isang bulag ang umakay sa kapwa-bulag, silang dalawa ang mahuhulog sa hukay.”
Pagninilay
Pinagtatalunan nila noon kung ano ang nakapagpaparumi sa tao. Ayon sa tingin ng mga pariseo ang pagkain at marami pang ibang gawain, katulad ng pagkain na hindi pa naghuhugas ng kamay. Ang mga salitang nabibitawan at ang ipinapakita katangian ang nakapagpaparumi sa tao. May nagsabi: “Panginoon ang tao sa mga bagay na tinatago, at alipin siya sa mga bagay na sinasabi.” Sinabi rin ni Jesus na “sa puso nanggagaling ang masasamang pag- iisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di-katotohanan, mga pamumusong: Ito ang mga bagay na nakapagpaparumi sa tao.” (Mt. 15, 19-20). Kung anumang lumalabas sa ating bibig, ito ang sukat ng ating espiritual na buhay. Bantayan natin ang mga salita at ang ating kilos para ‘di tayo “mahulog sa hukay” at makadaan sa landas ng kaligtasan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020