Ebanghelyo: Mateo 14:13-21
Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pirapiraso—labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
Pagninilay
Hindi “dole out” ang pagkakawanggawa, sa halip “counterpart” ang kailangan sa paggawa ng kabutihan. Hindi nakatutulong ang “dole out mentality” sa pagpapaunlad ng pananagutan ng isang tao, sapagkat magiging siyang tamad dahil tanggap siya ng tanggap at walang maibahagi. “Counterpart” ang gusto ni Jesus, kaya Niya muna kinuha ang dalawang isda at limang tinapay bago pa Niya paramihin ang mga ito. At bago pa Niya pagalingin ang mga may sakit, hinintay Niya muna na lumapit o ilapit sila sa Kanya at hinanap ang pananalig sa kanilang mga puso. Kung gusto mong may magandang mangyari sa buhay mo, kailangan din ng Panginoon ang iyong “counterpart” para magawa Niya ang himala sa buhay mo. Pag-iniabot mo sa Kanya ang anumang galing sa’yo—mga sakripisyo, panalangin, pagtitiyaga—, “akin na” ang Kanyang sasabihin sa’yo, at pagkakalooban ka ng pagpapala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020