Ebanghelyo: Juan 14:1-6
Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.
At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pagninilay
“Bukás parati ang aming tahanan para sa iyo.” Ito ang madalas binabanggit ng mga malalapit na kaibigan upang ipahiwatig na may lugar tayo sa kanilang tahanan. Nangangahulugan lamang na kabahagi tayo ng kanilang buhay at may puwang tayo sa kanilang mga puso. Ganito rin ang winiwika sa atin ni Jesus, “Maraming silid sa bahay ng aking Ama.” Pinaghandaan na tayo ng silid na matutuluyan kung saan makakapiling natin ang Panginoon. Sapat na itong dahilan upang mabuhay tayo ng may pananabik na makapiling siya sa Kaharian ng Langit. May inaasahan tayo at pinananaligan na may nakalaan sa atin. May naghihintay sa atin. Tayo’y mga naglalakbay lamang sa mundong ibabaw. Tayo’y dumadaan lamang. Naghihintay sa ating ang tunay na tahanan sa kalangitan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021