Ebanghelyo: Juan 6:30-35
Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay- buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.
Pagninilay
Si Jesus ang tinapay ng buhay. Ang sinumang kakain ng tinapay na ito ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at hindi na muling magugutom, at hindi na rin mauuhaw kailanman. Kung tayo ay nananalig kay Jesus bilang ating tagapagligtas na isinugo ng Ama, tayo ay wala ng ibang hahanapin pa sapagkat nasa kanya na ang lahat. Ang nakikinig at nagsasabuhay ng kanyang mga salita ay pagpapalain. Hindi lamang naparito si Jesus upang tayo ay iligtas sa pagmamagitan ng pagpapakasakit sa krus kundi bahagi ng misyon niya ang turuan at pangaralan tayo sa mga gawaing maka-Diyos upang ito’y maipahayag din natin sa iba. Tayong lahat ay bahagi ng kanyang misyon kaya nararapat lang na tayo ay sumunod sa kanyang mga yapak. Si Jesus ang daan patungo sa Ama kaya siya rin ang modelo natin upang di tayo mawala sa daang tatahakin natin. Pasalamatan natin si Jesus at ang Diyos na patuloy na gumagabay at nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga kahinaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020