Ebanghelyo: Juan 6:44-51
Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama.
Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala.
Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay.
Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Pagninilay
May isang bagong kura paroko na binisita ang kalagayan ng bawat kapilya na sakop ng parokya. Nais niya na ang bawat kapilya ay magkaroon ng misa kada buwan. Napag-alaman niya na may dalawang kapilya na matagal nang hindi namimisahan. Kung kaya nga’t ginawa niya ang schedule ng misa sa lahat ng kapilya. Napansin niya na kahit matagal nang walang misa sa isang kapilya, marami pa ring tao ang dumalo at malakas pa rin ang pananampalataya ng mga tao. Samantala sa isa pang kapilya, kaunti lang ang sumisimba at nanghihina ang pananalig ng mga tao. Parehas na matagal na panahong hindi namisahan, ngunit bakit ang isa’y masigla at isa nama’y nang hihina? Ito’y dahil sa isang lay minister na tapat sa kanyang paglilingkod sa pagdiriwang ng liturhiya ng Salita ng Diyos at pagbibigay ng komunyon. Ang isang kapilya nama’y walang lay minister na naglilingkod. Matapos ang ilang buwan na namisahan ang lahat ng kapilya, nanumbalik ang sigla ng mga tao at muling nabuhay ang Sambayanang Kristiyano. Napagtanto ng kura paroko, “Tunay ngang si Kristo ang Tinapay ng Buhay. Tunay siyang buhay sa sakramento ng Eukaristiya!”
© Copyright Pang Araw-Araw 2023