Ebanghelyo: Juan 21:1-14
Pagkaraan ng mga ito, muling ibinunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbubunyag. Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli. Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda. At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba
kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda. Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Pagninilay
“Ang Panginoon siya!” Ang pag-ibig daw ay bulag. Sa aking karanasan ang tunay na pag-ibig ay hindi bulag, kundi mulat at malinaw ang mata na makita ang minamahal sa lahat ng pagkakataon. Sa mga pagpapakita ng Panginoong Muling nabuhay sa mga alagad, hindi nila siya agad nakilala. Bakit kaya? Dahil kaya hindi nila nauunawaan ang kanyang sinabi na muli siyang mabubuhay? O dahil nalalambungan pa ng kalungkutan ang kanilang mga mata? Ano pa man ang dahilan, kakaiba talaga si Juan. Muli nyang pinatunayan ang kanyang pagiging hindi lang alagad na minamahal ng Panginoon kundi alagad na nagmamahal sa Panginoon. Tanging siya ang nakakilala na “Ang Panginoon sya” na gumabay sa mga apostol sa kanilang pangingisda na nagbunga ng maraming huli. Tunay nga na ang malalim at puso-sa-pusong ugnayan sa Panginoon ay magbubukas sa ating mga mata upang makilala ang Panginoon sa lahat ng panahon, kahit pa sa mga pagkakataon ng kalungkutan at kabiguan tulad ng naranasan ng mga alagad sa pagkamatay ni Jesus sa krus. Hilingin natin ang biyaya ng pagmamahal sa Panginoon tulad ng kay Juan, upang lagi nating makilala ang presensya ng Panginoon sa bawat sandali ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025