Ebanghelyo: Juan 6:52-59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw.
Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin.
Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.” Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay
Tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ni Kristo, ang Tinapay ng Buhay at Alak ng Kaligtasan sa tuwing nakikinabang tayo sa Banal na Eukaristiya. At sa taimtim na pakikitagpong ito kay Jesus, tayo ay namamalagi sa Kanya at siya sa atin. Balikan muli natin ang karanasan ng pagtanggap sa Kanya sa banal na komunyon. Namnamin ang pagkakataong iyon tulad ng pagnamnam natin sa isang malinamnam na pagkain. Sagrado ang mga sandaling iyon sapagkat tayo’y nagiging kaisa ni Kristo. Minsan ay nagiging pangkaraniwan na lamang at madali tayong maabala ng maingay na palagid. Subalit sa muling pagtanggap natin ng banal na ostiya, muli tayong manahimik at damahin ang banal na sandali ng pakikipagtagpo sa kanya. Namnamin ang pagkakataong siya’y sumasa-atin at tayo ay sumasa-kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021