Ebanghelyo: Juan 6:16-21
Nang magtakipsilim na, lumusong sa aplaya ang kanyang mga alagad, at pagkasakay sa bangka ay nag pakabilang-ibayo ng dagat pa-Capernaum. Dumilim na at wala pa sa kanila si Jesus: at magalaw ang dagat sa malakas na ihip ng hangin.
Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, napansin nilang naglalakad si Jesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.”
Nang isasakay na nila sa bangka, bigla namang nasa pampang na pupuntahan nila ang bangka.
Pagninilay
“Ako ito. Huwag kayong matakot.” Sa oras ng takot at pangamba, ito ang mga salita ng kasiguruhan na nagbibigay ng kapanatagan. Sa mga salita ni Jesus, huminto ang malakas na ihip ng hangin sa dagat at nawala ang takot ng mga alagad. Sa paglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga tentasyon ng masamang espiritu na naninirahan sa ilalim ng tubig. Ito rin ang mga salitang nagbigay ng lakas kay Moises sa kabila ng kanyang takot nang sinugo siya ng Diyos upang iligtas ang mga Israelita mula sa Ehipto. Ito rin ang kasiguruhan ni Jesus sa atin, “Ako ito. Huwag kayong matakot.” Kasama natin sa tuwina si Jesus sa panahon ng ligaya, lungkot, at takot. Hindi tayo hahayaan ng Panginoon na malunod sa pagsubok na ating kinakaharap. Magtiwala tayo sa Kanya!
© Copyright Pang Araw-Araw 2023