Ebanghelyo: Jn 6: 60-69
Nang marinig ito ng kanyang mga alagad, marami sa kanila ang nagsabi: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakapakinig dito?” Alam ni Jesus sa kanyang sarili na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kayat mapansin n’yo ang Anak ng Tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko sa inyo’y espiritu kaya buhay. Ngunit may ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Pagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sinu-sino ang mga di naniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyong walang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sumama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto n’yo rin bang umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay magpakailanman meron ka. Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos.”
Pagninilay
Ang eksena sa kwentong ito ay tunay na nangyayari sa ating buhay. Hindi madaling magbahagi ng mga Salita ng Diyos, lalo kapag ito ay tumutukoy sa isang maling gawain o isyung moral. Kaya madalas, iniiwasan nating banggitin ang mga salitang nasa Bibliya dahil natatakot tayo na hindi magustuhan ng iba at maging dahilan ng kanilang paglayo sa atin kahit sa pamilya o sa magkakaibigan. Kayat kahit alam natin na kailangan nating magsalita tungkol sa mga bagay na tinuturo ni Jesus upang mabigay ng liwanag at gabay, nagiging tikom tayo; lalo na kung may kaakibat na panganib sa ating estado o buhay. Maging ang simbahan o mga taong simbahan ay nananatiling tahimik sa harap ng maraming isyu sa lipunan. Hindi madali ang sumunod kay Jesus. Kaya sa paglalakbay, kapag nasa gitna na ng mga hamon at hirap, marami ang tumatalikod o umaatras. Ano ang hamon na iyong hinaharap ngayon sa iyong pagsunod kay Jesus? Nais mo rin bang umatras?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024