Ebanghelyo: Jn 6: 52-59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.” Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay
Sa Unang Pagbasa, ipinapaki ta kung paano binago ng Diyos ang direksyon ng buhay ni Pedro at ginamit ang kanyang kakayahan at enerhiya para sa Kanyang Layunin. Nakikita Niya ang determinasyon ni San Pablo upang ipagtanggol ang kanyang paniniwala. Kaya habang siya ay nasa gitna ng pagsasagawa ng kanyang tungkulin, sinalubong at hinarang siya ni Jesus. Binago Niya ang direksiyon ng kanyang landas. Sadyang ang ating sariling kakayahan, karunungan at karakter ang siya mismong gagamitin ng Diyos upang sa pamamagitan natin maisakatuparan ang Kanyang mga mithiin para sa sanlibutan. Tinatawag tayo ng Diyos habang nasa gitna tayo ng pagsasagawa ng ating sariling mga tungkulin at tinitingnan Niya ang ating mga kakayanan at talento na maaaring magamit upang maisakatuparan ang Kanyang banal na Kalooban. Tulad ni San Pablo, handa ba tayong baguhin ni Jesus and direksyon ng ating pamumuhay alang-alang sa Kanyang banal na Layunin? Ano ang ginagawa natin sa kasalukuyan na maaaring gamitin ng Diyos para pagsilbihan Siya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024