Ebanghelyo: Jn 6: 44-51
Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala. Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Pagninilay
At ipinadala si Felipe upang maipaliwanag sa mga tao ang tungkol sa kanyang binabasang Salita ng Diyos. Hindi ba’t marami sa atin ang tulad nitong taong taga Etiopia na nangangailangan ng taong makapagpapaliwanag tungkol sa Banal na Kasulatan? Bagamat mahiwaga ang inilathalang kwento sa kanyang tawag, nagpapakita ito ng kahalagahan ng isang taong makapagpapaliwanag ng Salita ng Diyos. Sa panahon ngayon, marami sa atin ang nahuhumaling sa mga materyal na bagay at panandaliang kasiyahan. Dahil sa mabilisang pagsulong ng teknolohiya, at sa kabila ng hindi matatawarang pagunlad sa antas ng komunikasyon na siyang tinatawag na “lifeline” ng lahat ng uri ng relasyon, ay siya namang pagusbong ng ibat-ibang uri ng mga suliraning pang emosyunal, mental at sikolohikal. Mas dumami ang kaso ng “suicide” at kahinaan sa pakikipagkapwa, o pakikipag-ugnayan maging sa loob ng pamilya. Nawawala ang halaga ng Salita ng Diyos sa buhay ng karamihan na siyang bukal ng liwanag, kapayapaan, lunas sa sugat at kalungkutan; nagbibigay ng lakas sa bawat pagsubok. Tulad ni Felipe, nawa’y maging bukas ang puso natin na tumugon at sumunod sa panawagan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024